Ano Ba ang Ibig Sabihin ng Polyhydramnios sa Ultrasound ng Buntis?
Kung ikaw ay buntis at nakita mong may nakasulat na "polyhydramnios" sa iyong ultrasound, ibig sabihin nito ay masyadong maraming amniotic fluid sa iyong sinapupunan.Yung amniotic fluid yung tubig na pumapalibot sa iyong sanggol. Mas kilala rin ito sa tawag sa Tagalog na panubigan. Ang amniotic fluid ay nagbibigay ng proteksyon sa sanggol at tumutulong ito para mapangasiwaan ang temperatura sa loob ng tiyan. Nakatutulong din ito para maayos na madevelop ang mga baga ng sanggol at lumaking walang problema ang kanyang mga buto at kalamnan.
Masama ba kung may polyhydramnios?
Ang sagot dito ay oo. Pero marami namang mga paraan upang maging mas ligtas ang pagbubuntis, kaya naman hindi dapat gaanong mangamba. Pero bakit nga ba mapanganib ang pagkakaroon ng polyhydramnios?
Dahil masyadong maraming amniotic fluid sa sinapupunan, mas bumibigat ang pressure sa tiyan at masyadong nasisiksik ang mga kalapit na organ. Ang epekto nito sa ina ay makararanas siya ng iba't ibang mga sintomas, gaya ng hirap sa paghinga, pamamanas, at palagiang pag-ihi. Bagama't maaaring maranasan ito ng kahit na sinumang may normal na pagbubuntis, kung may polyhydramnios, maaaring mas malala ang mga sintomas na maramdaman.
Ano naman ang epekto nito sa sanggol? Kapag may polyhydramnios, maaaring mapaaga ang pagsilang sa sanggol. Dahil mas mataas ang pressure sa sinapupunan, pwedeng pumutok agad ang panubigan. Kapag pumutok na ang panubigan, kailangang maisilang agad ang sanggol kahit premature pa siya. Alam naman natin na kapag premature ang isang sanggol ay hindi pa nadedevelop nang husto ang ilan sa kanyang mga organ, gaya ng mga baga.
Kung hindi pa naman pumuputok ang panubigan, maaaring humarang ang umbilical cord o pusod ng bata sa pwerta. Dahil dito, maaaring bumuhol ang pusod sa sanggol kapag siya ay isisilang na. Upang hindi mangyari ito at hindi masakal ang sanggol, kailangang i-cesarean ang nanay.
Madami pang komplikasyon ang maaaring maidulot ng polyhydramnios, gaya ng matinding pagdurugo pagkatapos manganak. Kaya naman, kung may nakitang polyhydramnios sa resulta ng ultrasound, huwag itong babalewalain at kumonsulta agad sa iyong ob-gyne.
Bakit ba nagkakaroon ng polyhydramnios?
Kabilang sa mga pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng polyhydramnios ay ang mga sumusunod:
- Kambal ang ipinagbubuntis
- Mayroong gestational diabetes ang nanay
- May impeksyon ang nanay
- Mayroong genetic defect ang bata
Paano ba gamutin ang polyhydramnios?
- Amniocentesis. Ito yung procedure na idradrain yung sobrang amniotic fluid.
- Oral medication. Kung minsan, dumadami yung amniotic fluid dahil ihi ng ihi yung bata sa sinapupunan. Pwedeng magreseta ang doktor ng mga iniinom na gamot, gaya ng indomethacin para mabawas-bawasan yung labis na pag-ihi ng sanggol.
Comments
Post a Comment