14 na Rason Kung Bakit Hindi Ka Gusto ng Biyenan Mo
Nagtataka ka ba kung bakit hindi ka gusto ng iyong biyenan? Marahil isa sa mga sumusunod ang dahilan:
1. "Inakit" mo agad ang kanyang anak na hindi pa tapos sa kanyang pag-aaral.
Kahit naman sinong magulang ay maiinis sa taong "umakit" sa kanyang anak na hindi pa tapos sa pag-aaral. Although may fault ang babae at lalake, ang kadalasang reaksiyon ng mga magulang ay ang kanilang anak ang "biktima" at ikaw ang may pinaka-may kasalanan.
2. Wala kang tinapos at wala kang hanapbuhay.
Walang magulang ang may gustong humantong ang kanilang anak sa taong tila walang kinabukasan. Mas nagiging panatag ang loob nila kapag ang makakatuluyan ng kanilang anak ay may tinapos sa pag-aaral, may hanapbuhay, o may pinagkakakitaan. Sa hirap ba naman ng buhay ngayon, hindi na aari yung iisa lang ang nagtratrabaho.
3. Hindi mo nagagampanan nang maayos ang mga obligasyon mo para sa iyong pamilya.
Sa makalumang pananaw lang muna tayo. Pagdating sa hatian ng obligasyon ng mag-asawa, ang tungkulin ng lalake ay ang magtrabaho para sa kanyang pamilya, samantalang ang babae naman ay sa gawaing bahay at pag-aalaga ng mga anak (kung meron).
Kung ikaw na lalake ay hindi sapat ang naiuuwing pera para sa iyong pamilya, ay maaaring magalit sa iyo ang iyong biyenan sapagkat ginugutom mo ang kanyang anak pati na mga apo. Sa babae naman, kung nakikita ng biyenan mo na marumi ang bahay at dugyot ang kanyang mga apo, ay hindi ka rin talaga niya magugustuhan.
4. Hindi ka marunong tumayo sa sarili mong mga paa. Lagi kang umaasa at nanghihingi ng pera, bigas, at ulam sa iyong biyenan.
Nagbasa ako ng mga tungkulin ng mga biyenan. At karamihan sa mga sinasabi ng mga artikulong nabasa ko from family and marriage counseling sites na ang mga biyenan ay silent observers lamang at tagabigay ng payo at emotional support kung kinakailangan. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin, hindi mo dapat sila ginagawang emergency fund na para bang may patago kang pera sa kanila. Tandaan, ang pamilyang binuo ninyong mag-asawa ay parehas ninyong responsibilidad, hindi ng inyong mga biyenan.
Sa halip na gumaan ang buhay ng iyong biyenan sapagkat "kinuha" mo na ang kanyang anak sa kanya, ay lalo mo pa siyang pinahirapan. Noong nanganak ka, ay siya pa ang nagbayad sa mga gastusin mo sa ospital (na dapat ay responsibilidad niyong mag-asawa ang anumang gastusin). At sa tuwing kinukulang kayo, ay biyenan mo ang iyong tinatakbuhan at sa kanya kayo lagi humihingi ng pera, bigas, at ulam. Kawawa naman ang mga biyenan. Maaaring yung perang inaabot nila sa inyo ay pambili pala nila ng maintenance na gamot tapos kinuha niyo pa.
Ayaw ng isang biyenan sa isang manugang na ang diskarte lagi ay hingi at utang (na di naman binabayaran). Mas gusto niya ang manugang na kinakikitaan ng sipag at tiyaga sa pagtratrabaho o kaya naman ay pagsa-sideline.
5. Marami kang hinihinging pabor sa iyong biyenan pero hindi ka nakaka-appreciate at marunong magpasalamat.
Maraming mag-asawa na ang tingin sa mga magulang/biyenan nila ay tagabantay lamang ng mga apo, katulong sa pagluluto pag may handaan, tagabantay sa libing pag may namatay na kapamilya, hingian ng pera, bigas, ulam, at iba pa. Pero sa dami ng iyong mga hininging pabor, ikaw ba ay marunong magpasalamat? Kung hindi ka nagpapasalamat at nagbibigay ng kaunting bagay na makapagpapasaya sa iyong biyenan, ay maaaring sumama ang loob niya sa iyo sapagkat para mo lamang siyang inaabuso.
6. Wala kang galang at hiya sa iyong biyenan.
Baka hindi mo napapansin na wala kang galang sa iyong biyenan kapag siya ay iyong kinakausap. Tandaan, sila ay mas nakatatanda at hindi mo kabarkada. Gumamit din ng angkop na tono sa pananalita, kasi kahit yung ibang manugang ay gumagamit ng "po" at "opo," ay nababakas naman sa tono ang mga pasimpleng pasaring at pambabara.
Kung nakikitira ka sa iyong biyenan, maaari ring madalas mong napapakialaman ang kanyang mga gamit nang walang pahintulot, o kaya naman ay madalas kang gumawa ng ingay sa kanyang bahay. Maaaring nagpapatugtog ka nang malakas, basta-bastang nag-iimbita ng mga katsismisan o kainuman mo sa bahay ng iyong biyenan nang walang paalam, at iba pa. Dahil sa mga ito, nakikitaan ka na wala kang galang at hiya sa may-ari ng bahay.
7. Hindi ka nakikinig at naniniwala sa iyong biyenan.
Hindi naman lahat ng sinasabi ng biyenan mo ay mali at pawang matandang kasabihan lamang. Marami rin naman sa mga payo nila ay tama at makatotohanan sapagkat mas marami silang experience kaysa sa iyo bilang asawa at magulang. Kung ikaw ay isang manugang na hindi marunong makinig at mapagmataas, hindi ka magugustuhan ng iyong biyenan.
8. Palagi mong inaaway ang kanyang anak.
Hindi talaga totally maiiwasan ang pag-aaway sa buhay mag-asawa. Pero kung lagi mong inaaway ang asawa mo (na anak ng iyong biyenan) ay hindi ka niya magugustuhan lalo na kung ang dahilan ng away ay napakababaw lamang. Walang magulang ang gustong makitang inaapi/inaaway ang kanyang anak nang walang mabuting dahilan.
9. Masyado kang demanding sa kanyang anak.
Bago mo pa man pakasalan o gawing kinakasama ang iyong partner, ay alam mo na ang kanyang estado sa buhay. Pero kung ikaw ay nagdedemand sa asawa mo nang wala sa tamang hulog, ay kaiinisan ka talaga ng iyong biyenan.
Halimbawa, nakabasa ako sa isang Facebook group na gusto raw niyang hiwalayan ang kanyang asawa kasi 30+ years old na pero wala pa ring naipatatayong sariling bahay at walang ipon. Nang tinanong ng mga member kung ano ang work ng asawa, construction worker. Mapapa-buntong-hininga ka na lang talaga. Kung gustong mapabilis ang pag-unlad, tulungan ang asawa na kumita ng pera. Sa panahon ngayon, imposibleng makapagpatayo ka ng sariling bahay kung hindi ka pinamanahan ng lupa.
Isa pang halimbawa, hindi raw siya mabigyan ng pambili ng asawa nya ng pampaganda. Pero ultimo mister niya na nagpapakahirap sa trabaho ay hindi rin naman nakabibili ng kanyang pampapogi sapagkat sapat lamang ang kanyang sahod sa basic needs ng pamilya.
10. Para kang laging kilos dalaga o binata.
Anu-ano ba yung mga kilos dalaga o binata?
- Inuuna ang barkada at nakikipag-inuman.
- Inuuna ang pakikipagtsismisan.
- Inuuna ang paglalaro ng ML.
- Inuuna ang pagTitiktok.
Lahat ng bagay na hindi inuuna ang pamilya ay maituturing na kilos dalaga o binata. Walang masama makipag-inuman lalo na kung may okasyon. Walang masama na makipagkwentuhan, ML, o Tiktok, basta bago gawin ang lahat ng mga ito ay nasiguro munang tapos ang mga gawaing bahay o obligasyon sa pamilya para sa araw na iyon.
11. Hindi gusto ng iyong biyenan ang iyong pananamit.
Bagama't lahat ay may kalayaan kung ano ang gusto niyang suotin, ang iyong pananamit ay nagdudulot ng maganda o masamang impresyon sa iyong biyenan. Kung alam mong ang iyong biyenan ay makaluma at konserbatibo, iayon ang pananamit sa tuwing nakakasalamuha ang biyenan. Isipin mo na lang na pupunta ka sa opisina ng NBI. Bawal ang sleeveless, sando, short, at tsinelas. 😅
12. Inagaw mo ang source of income niya, ang kanyang anak.
Eto real talk ito. Maraming mga magulang ang ginagawang retirement fund ang kanilang mga anak, kaya ayaw nilang magsisipag-asawa ang mga ito. Kasi kapag nag-asawa na ang anak nila, ay uunti na ang maibibigay na pera ng anak nila sa kanila o kaya naman ay hindi na talaga makapagbibigay. Kung ikaw ay nakapangasawa ng lalake o babae na breadwinner ng pamilya, posibleng maging issue ito sa pag-itan ng iyong biyenan sapagkat kakumpetensiya ka na niya sa kita ng kanyang anak.
13. Hindi ka nagbibigay ng pera sa iyong biyenan.
Another real talk. Karamihan ng mga biyenan, gusto niyan may alay ka sa kanyang pera para maging maayos ang pakikitungo niya sa iyo. Kaya pansin niyo, ang paborito ng mga biyenan ay yung anak niya na nakapangasawa ng may-kaya sa buhay at nagbibigay sa kanila ng pera.
Pero note ko lang. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay paborito ng mga magulang/biyenan yung laging tumutulong sa kanila financially. Yung mga biyenan na may-kaya sa buhay, mas paborito pa rin nila yung anak/manugang na kasama nila sa bahay at nakakatulong o nakakausap sa araw-araw. Kumbaga, companion lang need nila sa pagtanda. Kahit na sila na ang halos gumastos at magpakain sa pamilyang iyong binuo ay ok lang sa kanila basta kasama ka nila at aalagaan mo sila.
14. May mas gusto silang ibang babae/lalake para sa anak nila.
Merong babae o lalake na successful naman sa buhay, mabait at magalang, masipag, may pinag-aralan, at may itsura naman kahit papaano. Pero ayaw pa rin sa iyo ng biyenan mo kasi mas close sila sa ex ng asawa mo at mas gusto nila yun para sa anak nila kesa sayo. 😅
Napaka swerte ko sa aking biyanan dahil mahal na mahal nya ako bilang kanyang panganay na anak 😊 kahit na medyo bungangera ako. Ultimo pang prenatal check up ko ay binibigyan nya ako 😍 nakaktaba ng puso ang mag ka biyanan na anak ang turing sayo.
ReplyDelete