Coping with Morning Anxiety
Tuwing umaga pagkagising, napupuno na agad yung utak ko ng pangamba. Maaalala ko agad ang mga masasamang balita, mga isipin tungkol sa pera, trabaho, sideline, gawain sa bahay, at dumagdag pa itong Covid. Sabi ng asawa ko, huwag daw ako mag-isip at wala naman daw kami mabibigat na problema. Tama nga naman siya, wala kaming gaanong problema. Pero "automatic" na nag-aalala agad ang utak ko tuwing umaga. Hindi mapigilan. Kahit ayoko mag-isip at mag-alala, kusang binobomba ang utak ko ng mga isipin. 😢
Hindi naman buong araw ay lagi akong nag-aalala. Kadalasan, tuwing umaga lang siya nagtatagal. Pero yung pag-aalala ko, umaabot sa punto na sumasakit ang batok ko. Nagkaroon din ako ng vertigo, dati naman wala. Minsan, hindi rin ako makahinga nang maayos. Pakiramdam ko, lagi rin akong tamad na tamad at naiinis. Nag-research ako kung ano ba itong nangyayari sakin. Base sa mga sintomas ko, morning anxiety daw ito. Napaka-uncomfortable sa pakiramdam kasi hindi ako makatrabaho nang maayos, nawawala ako sa focus. Ang sabi sa mga nabasa ko, kailangan ko raw munang libangin ang sarili ko para mawala ang mga negative at worrying thoughts. So ito ang mga ginawa ko:
Gawin muna ang mga ritwal-ritwal sa umaga bago mag-work. Anu-ano ba ang mga ritwal na ginagawa ko? Mga ordinaryong ritwal lang naman. Umihi muna, tumulala habang umiinom ng gatas at nagbibiskwit. Madalas kasi noon, hindi ko ginagawa ang mga ito. Pinipigil ko ang aking pag-ihi at hindi rin ako kumakain. Diretso agad sa laptop pagkagising kahit may muta pa upang mag-work. Hindi ko ginagawa ang mga ritwal-ritwal na ito kasi iniisip ko noon na mawawala lang ako sa focus, pero kabaligtaran pala.
Huwag buksan ang Facebook. Minsan, magpopop-up na lang sayo ang mga masasamang balita sa social media gaya ng pagtaas ng kaso ng mga Covid. Siguro lumala talaga itong morning anxiety ko dahil sa Covid. Yung mga sideline namin gaya ng pagpriprint ng t-shirt at pisonet ay lugi na. Walang mga events na need ng maramihang t-shirt at bawal maglaro ang mga bata sa pisonet. Bukod sa mga ito, umunti rin ang kita ko sa pagsusulat dahil yung mga nagpapasulat sakin, nagsara ang kanilang mga negosyo dahil sa Covid. Wala naman kaming permanenteng trabaho ng aking asawa. Nakaka-survive lang kami ngayon kasi may kaunti kaming ipon at matipid naman kami (ako lang pala matipid). Suma-sideline din kami ng patinda-tinda kahit na lalong umunti ang tubo namin kasi nagmahalan na ang mga supplier dahil sa Covid.
Magpatugtog ng musika. Noong wala pa akong morning anxiety, hindi ako nagpapatugtog ng mga kanta habang nagwowork kasi nakikisabay lang ako sa lyrics. Pero dahil sa morning anxiety ko ngayon, nakakatulong ang pagpapatugtog upang mawala ang mga isipin ko at makabalik ako sa focus. Ang mga pinapatugtog ko ay lyrical songs, mga kanta noong nasa kolehiyo pa lamang ako. Lakas maka-throwback kasi naaalala ko na wala pa akong mga problema at responsibilidad noon.
Tingnan ang mga baby pictures ng aming anak. Kahit isa ang anak namin sa stressors ko ngayon dahil sa sobrang kakulitan, isa rin siya sa anti-stressors ko. Kapag hindi gumagana yung mga ibang paraan na nabanggit ko para mawala ang morning anxiety ko, hahalungkatin ko yung folder ng baby pics ng anak namin sa laptop ko. Mapapangiti na lang ako kasi ang liit-liit niya pa noon at makikita ko ang paglaki niya sa bawat picture. Habang lumalaki siya, paputi nang paputi at paganda nang paganda. Buti na lang mana sa tatay niya. Yung pagbrobrowse ko ng baby pics, hindi ko namamalayan 3 hours na lang ang natitira sa oras ng work ko. 😂
Pagbabasa ng manga. Marami siguro sa inyo ang hindi makaka-relate. Ang "manga" ay Japanese comics or ito yung comics na pinagbabasehan upang makagawa ng anime. Bago ako maging nanay ay anime at manga enthusiast muna ako. If wala pa ako sa mood mag-work dahil sa morning anxiety, magbabasa muna ako ng ilang chapters ng manga. Ang mga hilig kong basahin na genre ay shoujo, romance, fantasy, comedy, school life, mystery, shounen, martial arts, supernatural, drama, action, adventure, historical, horror, josei, psychological, sci-fi, seinen, slice of life, sports, gender bender, tragedy, webtoons, at iba pa. Sino kaya rito mga kapwa ko nanay o tatay na mahilig din sa ganito? 👀
So yun lang. Kung minsan, napapaiyak na lang din ako dahil sa sobrang anxiety at stress. Hindi naman dramahan. Nakakatulong yung pag-iyak sa pagwala ng sakit ng batok at bigat ng ulo ko. Kayo mga paps at meses, nakararanas din ba kayo ng morning anxiety? Anu-anong mga paraan ang ginawa niyo?
-----------------------------------------
Nagbebenta ako mga nay at tay ng mom, dad, and baby needs. Order naman kayo sa facebook.com/jirapiofficial o sa shopee.ph/jirapiofficial. Thanks!
-----------------------------------------
This blog is originally written by jirapi.blogspot.com and published on July 2, 2020. If you see this blog posted elsewhere, please contact me on this page.
Comments
Post a Comment