Mga Ginagawa Namin Para Hindi Mainip Si Baby Habang Lockdown

activities for babies during covid19

Isa talaga sa mga pampatanggal-inip ng baby namin ay ang pagdala-dala namin sa kanya sa labas. Not necessarily sa mall. Kundi, madalas siyang isama ng tatay niya sa labas ng bahay para makasilay ng ibang view, ibang mga bagay, at ibang mga tao. Madalas tatambay sila sa kanto or sa may tindahan.

Pero ngayong lockdown dahil sa Covid-19, bawal na magsilabas, kaya naman para matanggal ang inip niya, eto ang mga ginagawa namin:

Panonood ng Youtube. Matagal na naming kasangga ang Youtube sa pantanggal ng inip ng baby namin. Pero para upgraded yung Youtube experience niya, nakikikanta kami at nakikisayaw sa mga pinapanood namin. Interactive kumbaga. Sa totoo lang, mas marami siyang natutuhang mga salita at actions sa Youtube kaysa kapag binabasahan ko siya. Mahilig siya manood ng Mother Goose Club, Kids Camp, Super Simple, at iba pa. Pero dapat iba-ibang Youtube Channel pinapanood niya kada araw para hindi siya magsawa.

Pakikipaglaro sa mga pusa. Ang laking tulong din ng mga alaga naming pusa para matanggal ang inip ng baby namin. Makita niya lang ang mga pusa, hahagikgik na agad siya ng tawa. Nakikipaghabulan pa siya sa mga pusa kahit hindi siya hinahabol. Mababait naman mga alaga namin. Mula pagkasilang ng baby namin, lagi na lang silang nakalapit kay baby, kaya siguro hanggang etong paglaki niya, close sila. Mas nauna pa ngang matutuhang banggitin ni baby ang word na "kitten" kaysa sa "mama" at "papa."



Pagsakay sa kotse-kotsehang basket. Mayroon kaming mini laundry basket na kasya si baby. Para siyang kuting. Sumiksik na lang siya bigla sa loob. Then ang ginawa ng tatay niya, hinila-hila yung basket para umandar na parang kotse. Tapos sasabayan ko naman ng sound effects na umaandar. Kapag Covid-19 free na ang Pinas, naku, ibibili na namin siya ng laruang kotse na pwede niyang sakyan.



Pagsusulat at pagkukulay sa notebook. Nainggit sakin yung baby ko noong nakita niya akong laging nagsusulat sa notebook. Kaya kinuha ko siya ng extrang notebook at binigyan ng lapis, bolpen, at crayons. Love na love niya magsulat sa notebook. Pero mas love niyang sulatan niya ang katawan niya, pati na rin yung mga dingding namin.

Paglalaro ng non-toy items. Every other day, inaabutan namin ang baby namin ng kakaibang bagay. Yung kakaiba sa paningin niya. Halimbawa, walang laman na lalagyan ng pulbo, hanger, kahon, cup noodles, at iba pa. Siguro mga dalawang araw din niya paglalaruan mga yun.



Pagbabasa ng books. Araw-araw binabasahan ko baby namin ng books kahit na madalas ay hindi siya nakikinig. May ilan kasi akong libro na binili para sa kanya, yung mga Tagalog books ng Adarna Publishing. Mas gusto ko kasing mauna muna niyang matutunan ang wikang Filipino. Then yung tatay naman niya, nagprint ng alphabet chart sa typewriting at idinikit sa pader. Kapag tapos ko na basahin yung books, isusunod ko naman yung chart.

Kayo mga nay at tay, ano activities ng mga baby o anak niyo ngayong lockdown?


-----------------------------------------
Nagbebenta ako mga nay at tay ng mom, dad, and baby needs. Order naman kayo sa facebook.com/jirapiofficial o sa shopee.ph/jirapiofficial. Thanks!
-----------------------------------------

This blog is originally written by jirapi.blogspot.com and published on May 5, 2020. If you see this blog posted elsewhere, please contact me on this page.

Comments