Jirapi Opinion: Bakit Kailangang Parehas Kumikita ang Mister at Misis

bakit kailangang parehas kumikita ang mag-asawa

Noong mga sinaunang panahon, ang mga mister lamang ang kumakayod para sa gastusin ng pamilya. Samantalang ang mga misis naman ang naka-toka sa housework at pag-aalaga ng mga anak (kung meron).

Pero 1930s pa lang, narerecognize na ang rights ng mga kababaihan at nag-uumpisa na silang pumasok sa workforce. At ngayon, marami-rami na ring both parents ay nagtratrabaho. 

Para sa'kin, mas ok yung parehas na kumikita ang mister at misis. Narito ang mga dahilan:

1. Hindi mag-aalala kung saan kukuha ng pera kung sakaling mawalan ng trabaho ang iyong asawa.

Naisipan ko itong sulatin kasi officially jobless na ako ngayong October 2022. Pero sana for a few months lang ako maging jobless at makahanap agad ng kapalit na freelance gig. 😅

Dahil may iba pa akong source of income (online selling) at yung mister ko (online selling), hindi kami gaanong nagpapanic kahit wala na akong full-time freelance work. Yun nga lang, kailangang maging mas matipid kami kasi yung kita ko sa freelance work ang main source of income namin.

This blog post is originally written by Jirapi Mommy Blog. Do not copy and claim it as your own. Mahiya naman kayo sa akin. 😅

2. Makakahiwalay agad-agad sa cheating partner.

There are many instances na yung asawa ay hindi magawang makabitaw sa cheating partner nila. Sabi ng iba, kaya ayaw nilang humiwalay (kahit sobrang nasasaktan na sila) kasi ayaw nilang lumaki yung mga anak nila na walang nanay/tatay. 

Pero yun nga ba ang dahilan? Sa palagay ko, deep inside, ang pinaka-main reason nila ay wala silang pera pambuhay sa sarili nila at sa kanilang mga anak. Pero kung working ka or kumikita ka, pwede ka kaagad humiwalay sa cheating partner mo.

3. Makakahiwalay agad-agad sa toxic at abusive partner.

May nabasa ako sa Facebook. May nanay na may 2 anak at nagawa naman niyang bumitaw sa unang partner niya. Kaso, walang siyang work at walang kamag-anak na matutuluyan. Kaya ang ginawa na lamang niya ay humanap ng matandang lalake, inasawa na lang niya ito at pinagamit ang sarili niya, para sila ay magkaroon ng tirahan. 

Yun nga lang, nagsumbong sa kanya ang kanyang mga anak na sila ay binubugbog at sinasakal ng matanda niyang ka-live-in. 

Marami na rin sa mga kapitbahay na pinagsabihan ang nanay na umalis na sila ng mga anak nila at baka mapatay pa o magahasa ang mga anak niyang babae.

Pero hindi niya magawang makaalis kasi wala siyang pera at matutuluyan. 😩

4. Hindi ka magiging totally helpless kapag namatay ang iyong asawa.

Hindi natin alam kung kailan tayo mamamatay. Kahit gaano ka pa ka-healthy, nariyan naman ang mga aksidente.

Kung ang parehas na mag-asawa ay may trabaho o pinagkakakitaan, kahit mamatay ang isa man sa kanila, ay matutugunan pa rin nito ang mga pangangailangan ng sarili at ng mga anak.

Hindi naman kasi pwedeng iasa na lang lagi sa iyong mga magulang o biyenan ang pagbuhay sa iyong pamilya kung sakaling mamatay ang iyong asawa.

5. Hindi lang needs ang maibibigay sa mga anak, pati wants.

Talaga namang dapat magpasalamat na kung nakakakain ang inyong mga anak ng 3 beses sa isang araw. Wala namang masama kung makuntento na sa ganito.

Pero minsan, makakaramdam din tayo ng awa sa ating mga anak kung hindi man lamang sila nakatitikim ng cake sa kanilang birthday o kaya ay nakakapag-Jollibee. 

Kung parehas kayong may trabaho, kahit ang mga ganitong simpleng "wants" ay pwede niyong maibigay sa inyong mga anak.

6. Mas masusuportahan niyo ang talento ng inyong mga anak.

Naniniwala ako na yung mga talento ng bawat tao ay isa sa mga makatutulong sa pag-angat sa buhay. Hangga't maari, hubugin ang talento mula pagkabata.

Pero kung ang kinikita ng iyong asawa ay sapat lamang para sa mga pangunahing pangangailangan, gaya ng pagkain at pagpasok sa eskwela, hindi niyo gaanong masusuportahan ang talento ng inyong mga anak.

Sa totoo lang, ang paghubog sa talento ay nangangailangan din ng pera.

7. Hindi ka na mangungutang lagi sa mga kamag-anak o kaibigan mo.

Nakakababa rin ng dignidad kapag laging nangungutang sa mga kamag-anak o kaibigan 'no? Makakarinig ka pa ng mga hindi magagandang salita sa iyong inuutangan. 

Pero anong magagawa mo kung kapos ang inuuwing pera ng asawa mo kundi mangutang? May magagawa ka pang iba. Yun ay ang magtrabaho o humanap ng sideline.

8. Magiging mas handa kayo sa medical emergencies.

Napakalakas na ng strains ng mga mikrobyo ngayon. Mabilis nang magka-sipon, magka-ubo, at magka-lagnat.

Pero napakaraming pamilya ang hindi magawang ipa-check-up ang kanilang mga anak na may sakit dahil ni pamasahe pa-health center o ospital ay wala.

Kung nakararanas kayo ng ganito, talagang kailangan niyo nang mag-asawa ang parehas na kumayod.


Hindi ako makapag-work. Walang magbabantay sa mga anak ko.

Madami na mga nay at tay ang work-from-home jobs. Pwede na rin magbusiness kahit nasa bahay lang. Kung gugustuhin talaga, may paraan. BASAHIN niyo eto mga nay/tay para magkaroon kayo ng idea sa work-from-home jobs: Mga Pwedeng Trabaho o Pagkakakitaan ng mga Nanay o Tatay na Nasa Bahay, Pandemic Man o Hindi


Kayo mga nay at tay, tingin niyo ba mas ok sa inyo ang ganitong set-up na parehas kayong nagtratrabaho o kumikitang mag-asawa?


-------------------------------------
Pa-support and follow po ng aking Facebook pages:
Jirapi: Mom, Dad, and Baby Needs - mga paninda ko po ito
Jirapi Mommy Blog - dedicated space for my random musings as a mom

SALAMAT 😀

Comments